(Dahil hindi ako nakadalo tulad ng balak ko sa launching ng Para Kay B noong Nobyembre 30, 2008, inisip kong puntahan na lamang si Ricky Lee sa Xavierville at doon na magpapirma ng libro. Nguni’t naiba ang takbo ng mga pangyayari.)
Excited akong dumalo sa book signing ng unang nobela ni Ricky Lee, ang Para Kay B. Mula noong mabasa ko ang tungkol dito sa Filipinowriter.com, nagmarka na ako sa kalendaryo ko. Nakabili na ako ng aklat. Noong bago mag-Pasko. Regalo ko sa sarili ko. Sa Filipinowriter.com ko lang din nalaman na may nobela na pala si Ricky Lee. Pagkabili ko ay binasa ko agad at ipinakita ko sa kaopisina at kaibigan kong si Natz. Hihiramin daw niya pagkatapos ko. Na-excite na rin siyang basahin ito noong makita niya ang komento ni Boy Abunda sa pabalat ng libro.
Alas kuwatro ng hapon, Enero beinte-kuwatro ang mini-lecture at booksigning. 3:35 pa lang ng hapon ay naroon na kami ni Natz kasama ang pinsan niyang si Ling-Ling sa Powerbooks Trinoma. Nakita naming ayos na ang pagdarausan ng okasyon. Bumili si Natz ng libro. May ten percent discount palang promo para sa aklat na iyon. P250 ang talagang halaga nito. May nakita kaming lalaki at babaeng umupo sa mga silya sa venue. Gusto na rin naming umupo kaya tinanong namin sila kung puwede na at pinaupo naman nila kami. Ang dalawa pala ay sina Tobbie Cadhit, ang moderator ng mini-lecture at ang kasama niyang taga-Powerbooks.
Maya-maya pa’y nagdatingan na ang mga nakarehistro para sa okasyong iyon. Walk-in lang kami nina Natz pero ayon kay Tobbie ay okay lang dahil tagahanga naman kami ni Ricky Lee at marami pa namang silyang available para sa mga dadalo. Pasado alas kuwatro na nang magsimula ang talakayan. Naging talakayan sapagka’t lahat ng naroon ay nakabasa na ng libro. Mahigit sampu kami nang magsimula nguni’t nang dumating na ang awtor ng nobela, dumami na kami.
Naging maganda ang palitan ng kurokuro. Tinatanong kami ni Tobbie at sinasagot naman namin ang mga tanong na may kaugnayang lahat sa nobela at sa mga tauhan nito.
Isa-isang tinalakay ang bawa’t tsapter ng nobela. Ang kuwento ni Irene sa una, ni Sandra, ni Erika, ni Ester at Bessie at isa pang tsapter na nag-ugnay sa limang nauna.
Kanino sa mga karakter ka higit na nakaka-relate pagdating sa pag-ibig? O baka naman nagsama-sama sa pagkatao mo ang kahit bahagi lang ng karakter ni Irene, ni Bessie at ni Erika o nilang lahat?
Kay Irene ako higit na naka-relate. Kung kaibigan mo ako, alam mo na kung ano ang ibig kong ipakahulugan. Pero hindi ako tulad ni Irene na may photographic memory, na kaya yatang memoryahin kahit ang buong Bibliya! Para kay Natz, pamartir daw si Irene at sinabi niyang kahit hindi nagpahiwatig si Jordan na natatandaan niya si Irene, isinuko pa rin niya ang kanyang pagkababae rito. Mayroon namang salungat ang paniniwala. Sa tingin niya ay basta mahal kita e. Kesehodang hindi mo ako mahal. Mahal kita, period, at ginusto kong gawin iyon kahit hindi mo ako mahal na tulad ng pagmamahal ko sa iyo.
Nagpasintabi si Tobbie sa nag-iisang menor-de-edad na nakikinig sa talakayan. Pareho-pareho naming inamin na shocked kami sa kuwento ni Sandra. Nguni’t halos lahat ay sumang-ayon naman na dapat niyang ipaglaban ang kanyang pag-ibig. Sa isang banda ay may pumuna na dapat lang ipaglaban, kung dalawa kayong makikipaglaban. Kung ayaw naman ng iyong iniibig ay hindi rin tamang ipaglaban ito.
Ipinaglaban ba ni Irene ang pag-ibig niya kay Jordan? Kung ikaw si Irene, ipaglalaban mo ba? Ano ba ang pag-ibig para sa iyo? Lagi bang sekswal ang pag-ibig at pakikipagrelasyon? O minsan ay naaabot din natin ang mataas na antas ng pag-ibig tulad ng kay Ester at kay Sara na marunong magparaya at maligaya na sa dalawang tasa ng kapeng pinagsasaluhan nilang dalawa lamang.
Natuwa ako nang makita kong nariyan na si Ricky Lee. Nilapitan ko siya at hinagkan sa pisngi at sinabi kong kasama ako sa talakayan. Nang anyayahan kami ni Tobbie na simulan na ang pagtatanong kay Ricky Lee, una akong nagtanong. Ano o sino ang naging inspirasyon ninyo para isulat ang Para Kay B? Ang naging inspirasyon daw niya ay ang mga tao - nakasakay sa MRT, nagpapatulog ng bata, nagbabantay sa ospital. Gusto niyang lumikha ng aklat na madaling basahin ng kahit sino, na parang nariyan lang siya sa tabi at nagkukuwento sa iyo habang nagbabasa ka. Pinagsasama-sama niya ang lahat ng kuwento ng pag-ibig na nai-compile na niya, nag-research siya. Tinanong niya ang kanyang mga kaibigan. Nakinig siya sa mga nag-uusap sa coffeeshop, sa malls, sa iba’t ibang lugar para malaman niya kung ano ang mga salitang madalas na ginagamit ng mga tao. At doon niya nalamang sa Pilipinas, kahit ang mayayaman ay nagta-Taglish na rin.
Isinulat niya ang aklat na hindi gaanong gumamit ng mga bantas tulad ng apostrophe at quotation marks upang hindi maramdaman ng nagbabasa na may sagabal sa kanya at sa kuwentong binabasa niya.
Inamin ni Ricky Lee na hindi siya si Lucas at hindi rin siya bitter kung kaya’t nasabi niyang may quota ang pag-ibig. Sinabi niyang sa dami ng naisulat ng manunulat sa kuwento ay iginugupo siya ng isang letra lamang, si B.
Hindi rin daw siya mahilig gumamit ng sangkaterbang deskripsyon ng lugar o lunan. Mas nag-co-concentrate siya sa karakter. Ayaw niya na halos lahat ay ibigay niya na at wala nang maiwan sa imahinasyon ng nagbabasa. Ang mga karakter niya ang pinalutang niyang mabuti. Pakiramdam mo tuloy ay kilala mo na silang talaga bilang tunay na mga tao.
Ayon kay Ricky Lee ay lubha siyang nasiyahan sa pagsusulat ng Para Kay B. Sinasalamin daw ng nobela ang chaos na paborito niya. At mula sa disorder na iyon ay pagtatagni-tagniin niya ang mga bahagi ng kuwento hanggang sa maging maganda ito. Ayaw niya raw ang naka-set na at may sinusunod na predictable pattern dahil madali siyang ma-bore. Ayaw niya rin na isa lang ang isinusulat. Habang ginagawa niya ang isang script, sisimulan naman niyang gawin ang isa pa, at isa pa. Kaya nang simulan niyang gawin ang Para Kay B ay nahirapan siya. Nguni’t nang lagyan niya ng disorder ang kuwento sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang punto de bista at iba’t ibang style ng pagsasalita ng mga karakter, at nang gawin niyang walang pagkakapareho ang bawa’t isa, doon nawala ang pagka-boring nito para sa kanya.
Pinakamahirap daw para sa kanya ang kuwento ni Erika. Dahil malapit na ang launching ay tila hindi pa rin satisfied maging ang mga kaibigan niya sa kuwento nito.
Challenge daw sa kanya ang kung paano pagdugtong-dugtungin ang limang kuwento samantalang madali ang tatlo at hindi rin apat dahil even number iyon. Kung bababa sa tatlo ay mabo-bored lang siya.
Gumawa rin siya ng tatlong iba-ibang ending para sa huling kabanata dahil gusto niyang ang magbabasa ang gagawa ng sariling ending para rito hanggang sa isa na lamang ang piliin niyang maging ending nito. Marami siyang mga kaibigang nag-contribute ng mga ideya nguni’t siya pa rin ang nagdesisyon sa kung alin sa mga ideyang iyon ang gagamitin niya.
Tinanong ko rin siya kung conscious ba siya na sa pagsusulat ng nobelang ito ng pag-ibig ay binasag niya ang kumbensyon pagdating sa romance novels. Hindi raw niya binasag ang kumbensyon. Nais nga raw niyang matutuhan ang pagsusulat na katulad ng sa mga Filipino romance novelists natin ngayon dahil hanga rin siya sa mga akda ng mga ito.
Sa karamihan ng kuwentong naisulat niya ay hindi niya maitangging may bahagi noon ay hango mismo sa sarili niyang buhay. Tulad na lang ng pagkakaroon ng tiyahing masungit.
(Naisip kong baka may kaugnayan ang pagiging magaling na manunulat sa pagkakaroon ng tiyahing masungit.)
Sa bandang huli ng tanungan ay sinabi rin ni Ricky Lee na wala naman talagang quota ang pag-ibig. Nasa umiibig pa rin ang kahihinatnan ng sarili niyang buhay-pag-ibig.
Natapos ang talakayan at nagsimula ang book signing. Nagphoto-ops pa ng paisa-isa kasama si Ricky Lee o kuha ng grupo ng nagsidalo.
Binati ko sina Kuya Ben at Jerry ang mga kaibigan ni Ricky Lee na nakilala ko noong mapili ako kasama ng higit sa pitumpung aplikante na sumailalim sa libreng workshop, ang Ricky Lee’s 14th Basic Scriptwriting Workshop for Film & TV.
Ngayon ko sasagutin ang tanong ni Tobbie, ang moderator ng okasyon.
Bakit ko binili ang Para Kay B?
Dahil ba kay Ricky Lee? Aaminin kong malaking bahagi ng desisyon ko sa pagbili ng aklat ay dahil may utang na loob ako sa kanya. Matapos ang madilim na karanasan ko bilang “battered wife”, ninais kong bigyan ng affirmation ang aking sarili. Kinailangan kong bumangon. At isa sa nagbigay sa akin ng tiwala ay ang grupo ng mga writer na nag-interview sa akin para sa workshop na iyon na ang nagdesisyon sa bandang huli ay si Ricky Lee. Nakapasa ako sa screening kahit na ilang daan ang nag-apply. Iilan lang kaming pinili. Na-realize ko noon na hindi pa pala tapos ang buhay ko. Nagsisimula pa lang.
Binili ko ang libro dahil kay Ricky Lee. Marami na akong biniling aklat na hindi ko naman binasa. Nguni’t binasa ko ang Para Kay B dahil humanga ako sa kanyang mga kuwento. Higit lalo na sa kuwento ng buhay niya. Na mula sa chaos ay ginawa niya itong maganda para sa iba pang nangangarap ding magsulat. Na lagi niyang iniisip ang kapakanan ng iba kung kaya’t may mga libreng workshop, at ngayon ay may foundation na itatatag para sa mga manunulat upang matulungan sila sa panahon ng kanilang pangangailangan. Na mula sa magulo niyang simula sa buhay bilang alilang kanin ay nagawa niya itong maging maganda Para Kay B muli, Para Kay Babasa.
Papalabas na kami sa Power Books nina Natz at Ling-Ling nang silipin ko ang dedikasyon ni Ricky Lee sa akin.
1/24/09
Dear Mae Ann,
Kumusta na ang
kaibigan ko? Sana’y
patuloy kang makapagsulat!
At maging maligaya
lagi sa pag-ibig!
Ricky Lee